March 09, 2005

girl, iika-ikakasal ka nga ba?

Sa mga nagkakandangitngit na sa akin dahil hindi maayos-ayos ang kanilang mga plano ukol sa pagbiyahe sa katapusan ng taon, heto na ang balitang inaasam-asam ninyo. Ngunit bago iyon, isa munang pagpapaliwanag.

Alam naman natin na ang pinaka-importanteng tao sa kahit na kaninong kasalan ay hindi ang mga ikinakasal kundi ang ina ng babaeng ikinakasal Kung kaya nga't ang petsa ng kasalan ay nausog ng ilang beses, mula Hunyo 12, na naging Agosto 14, at Disyembre 30 - upang malaman din namin na di rin pala pwede. Atin-atin lang: siya ang sinisisi namin, pero hindi niya alam iyon.

Sa pagnanais naming huwag nang makadismaya ng marami naming kamag-anak, hindi ko muna ipinahayag na nakatala na ang Enero 7, 2006 para sa kasalan. Sa katawa-tawang pangyayari, ang aking best man ay nagtakda na mismong araw na iyon rin gawin ang kanyang kasal at ginawa rin akong best man!

Ang unang tugon ko sana ay: sabay na lang, sa magkahiwalay na lugar - bahala na kung sino ang pupunta kung kanino, pero di pala pwedeng mawala ang best man. I-proxy na lang kaya ang ikakasal?

Ngayon, upang mabigyang pagkakataon na makakain sa dalawang handaan ang mga miyembro ng angkan ng tatay ko, napagkasunduan namin ng aking magiging biyenan na gawin ang aming kasalan sa... drrdrrdrrdrrdrrdrrdrrdrrdrrdrr... Enero 21, 2006!

Ang Enero 21 ay anibersaryo ng aming pagiging magkasintahan noong 1999; eksaktong pitong taon sa araw ng kasalan kaya may kahalagahan ang petsang iyon.

Para sa mga magbi-biyahe mula sa ibang bansa, nawa ay mura na ang pamasahe matapos ang petsang iyon para makatipid ng kaunti. Anumang matitipid ninyo ay tatanggapin namin ng bukal sa aming loob kung ibibgay ninyong donasyon para sa gastusin sa kasal. Para hindi na mihirapan sa pagpili ng mga regalo (mahirap magbitbit sa eroplano ng 65-inch plasma TV mula sa Japan), maaaring ibigay na lang ang salapi - makadadagdag din iyon sa pambayad sa gastusin sa kasal. Mwehehehe!

Sa kasalukuyan, kaming ikakasal ay tumatanggap ng pre-marital sex, este!, counseling pala. Ito ay programa sa aming simbahan at tinatalakay ang ilang mahahalagang isyu ng buhay mag-asawa. Sa katapusan ng programa, nawa ay ipaglinaw sa amin ng Panginoon kung dapat kaming tumuloy na magpakasal.

Ayan po. Enero 21, 2006, alas singko y medya ng umaga. Wala nang lipatan, walang usugan. Ang tanong na lang: matutuloy kaya? Abangan...